Miyerkules, Marso 15, 2017

Isa, Dalawa. Wala na

‘Isa, dalawa 
Kapag lumingon ka, akin ka na.‘ 
Iyan ang mga katagang lumabas sa aking bibig noong una kitang nakita. 
Tila iyong narinig mga salitang ibinubulong ko sa aking sarili at walang pag-aalinlangan ay lumingon ka sa akin, sinta. 
Naaalala mo pa ba ang ngiti sa iyong mukha noong ako'y nagpakilala? 
Parang kahapon lang nung una tayong nagngitian at nagbatian sa isa’t isa.
‘Isa, dalawa 
Pag lumingon ka, mamahalin kita’ 
Lumipas ang mga araw at ikaw ay aking mas nakikilala 
Paborito mong kulay ay berde, mahilig kang makinig sa rock music at naiiyak ka sa pelikulang One More Chance nina Popoy at Basha. Kasi nga nakakaiyak naman din talaga yun di ba? 
Nag-aaway pa nga tayo nun kung mas magaling ba ang greenday sa paramore eh pareho namang magagaling ang mga yun. 
At eto pa, di ko makakalimutan ang gabi na umiyak ka ng walang pasabi kasi bigla mong naalala yung panahong iniwan kayo ng tatay mo para sa ibang babae. 
Sabi ko pa nga di ba, “Buti ka pa may tatay, buti ka pa may nanay. Meron ka ng mga magulang na ipinagkait sa iba kasi sila ulila na.” 
Tapos nun tayo ay nag-iyakan, makalipas ang ilang sandali tayo ay nagtawanan. 
Di ko nga alam kung san tayo naiiyak sa kwento ba natin o sa ating katangahan. 
Pero nakakatuwa pala na may masasandalan sa mga panahon ng pangangailangan. 
Di ko nga namamalayan, dun na pala nahuhulog ang loob ko sa'yo ng tuluyan. 
Kaya nung tayo ay naglalakad doon sa tabing dagat 
Naaalala mo pa? Noong tinawag kita? Sabi ko sa sarili ko noon Kapag lumingon yun, mamahalin ko yun. 
Eh sa lumingon ka 
Kaya walang pagdadalawang isip at pag-ibig ko ay ipinagtapat ko na 
Punyeta, ako yung babae pero lahat ng first moves ako ang nag-umpisa 
Pero ganon talaga, eh sa mahal ko na 
Di ko rin naman pinagsisisihan kasi di kalaunan ikaw rin ay nagtapat ng iyong nararamdaman. 
Di mo lang alam gaano ako kasaya sa mga sandaling iyon sinta. 
Para bang gusto kong kurutin, sampalin ang sarili ko upang magising sa magandang panaginip na ito.
‘Isa, dalawa 
Kapag lumingon ka, di na kita pakakawalan pa.’ 
Sa una nating mga buwan para lang tayong mga bida sa mga libro na aking binabasa 
Parang si Cross at si Eya 
Si Sawako at Kazehaya 
Si Sittie at Kaizer Buenavista 
Isama mo pa si Klare at Elijah 
Yung tipong sa sobrang tamis nakakaumay na 
Yung tipong cliche na kumbaga 
Pero yun din yung tipong mahal mo ako, mahal kita, wala nang ibang mas mahalaga. 
Hindi mo lang alam mahal kung gaano ako kasaya sa loob ng mga buwang iyon 
Oo may mga tampuhan pero nadadaan na man sa usapang mahinahon Kaya sabi ko sa sarili ko 
Eto na to. Eto na yung gusto kong makasama sa buong buhay ko.
Isa, dalawa 
Lumipas ang dalawang taon mahal ngunit bakit ikaw ay nagbago? 
Tila, oras mo para sa akin ay ang bilis ng takbo 
Na para bang ayaw mo na akong makasama at para bang ikaw ay may tinatago 
Ayokong magduda mahal dahil ayokong bigyan ng malisya ang bagay bagay 
Ngunit sa tuwing nakikita ko ang mga ngiti sa iyong mukha at sa tuwing nakikita ko kung gaano ka kasaya habang akap-akap mo siya. Mahal nadudurog ang puso ko ng sobra sobra. 
Doon pa lang mahal, sa titig mo pa lang, alam ko na sa sarili kong mahal mo na siya. Di naman ako tanga para di iyon makita. 
Pero sinubukan ko pa rin di ba? Sinubukan ko pa ring kunin ang loob mo pabalik. Sinubukan ko pa ring mahulog ka sa akin ng isa pang beses. Sinubukan ko pa ring maibalik ang kung anong meron man tayo noon. Sinubukan ko paring kunin ang iyong atensyon. 
Sinubukan ko pa rin. Nagbabakasakaling ako'y mahal mo pa rin. 
Sinubukan ko mahal. 
Sinusubukan ko. 
Susubukan ko pa rin. 
Ako ay susubok at susubok at susubok pang muli. 
Ngunit ano ba ang aking pagkakamali? 
Dahil sa bawat subok ko mahal, ako ay iyong itinutulak palayo. 
Sa bawat subok ko mahal at sa bawat pagkahulog ng aking damdamin ng mas malalim, hindi mo na ako sinasalo. 
Na para bang sa bawat subok ko pa lang, wala na, ako ay laging talo. 
Ang sakit mahal. Sa tuwing ika'y di nagsasalita, sa tuwing ika'y walang imik, tila puso ko ay hinihiwa. 
Ang sakit sakit mahal. 
Ngunit mas masakit pala nung bitawan mo ang aking mga kamay at iyong sinabi “Pasensya na. May iba na akong mahal. Tayo ay maghiwalay.” 
Mas masakit palang malaman na ganoon mo lang kadaling tinapos yun mahal. Mas masakit palang malaman kung gaano mo yun kadaling itinapon. Mas masakit pa lang makita kang tinatalikuran lahat. Mas masakit palang malaman na di ako naging sapat.
Isa, dalawa
Kapag lumingon ka, kapag lumingon ka ulit mahal
Kapag lumingon ka, susubukan ko pa
Kapag lumingon ka, ipaglalaban ko pa
Kapag lumingon ka, ako ay kakapit pa
Kapag lumingon ka, tatanggapin ulit kita
Kapag lumingon ka, mamahalin ulit kita
Kapag lumingon ka, di na kita pakakawalan pa.
Kapag lumingon ka…..
Kapag lumingon ka….. 
Pero bakit ganun? 
Noon naman ah, palagi kang lumilingon 
Bakit ganoon? 
Mahal, bakit hindi ka lumingon?
Kaya eto ako ngayon 
Pinapanood kang maglakad palayo sa akin. 
Na tila bumubulong sa hangin. Na kapag lumingon ka, kapag bumalik ka, aakapin kita. Tatanggapin kita. 
Para lang tanga di ba? 
Paulit-ulit na lang di ba? 
Pero mahal di ako magsasawang ulitin ng paulit-ulit ulit na mahal kita, mahal na mahal kita, mahal pa rin kita, minamahal kita nang sobra sobra, ikaw lang ang mamahalin ko wala ng iba. 
At uulitin ko ulit mahal kasi baka hindi mo nakuha mula sa umpisa. 
Mahal kita. Mahal na mahal kita. Mahal pa rin kita. Minamahal kita ng sobra sobra. Ikaw lang ang mamahalin ko wala ng iba. 
Kaya mahal, 
Isa, dalawa 
Lumingon ka lang mahal at ako'y aasa pa

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento